March 10, 2019

“Gusto kitang kalimutan kahit walang tayo.
Paano nga ba napahinto ang mundo ko? 
Ay hindi. 
Mali. 
Paano ka nga ba naging mundo ko?
Pilit inaalis sa utak na gulong gulo. 
Ang mukha mong tila naiukit na pati sa puso ko.

Tama na.

Ayoko na.

Pero pag nakita kang muli,
Balik nanaman ako sa simula”

Pakiramdam ko’y niloloko ko lamang ang aking sarili. Ilang gabi kong sinasabi sa sarili kong ititigil ko na, kakalimutan na kita, at hindi ko na babalikan ang mga ala ala mo.

Pero pag gising ko sa umaga ay papaling ako kagad sa kaliwa ko upang halikan ka sana. Pero matatauhan ako kagad dahil isang bakanteng pwesto sa kama lamang ang makikita ko.

Nag luluto parin ako ng almusal para sa dalawang tao. Naglalagay parin ako sa mesa ng dalawang plato. Uupo at tatayo muli upang ibalik ang sobrang plato, kutsara’t tinidor at baso. At ang sobrang pag kain ay itinatabi ko para sa hapunan mamaya.

Pag pasok ko sa opisina ay tatawagan sana kita para sabihin na nakarating na ako, pero binura ko na nga pala ang numero mo.

Sa pag uwi ko ng bahay titingin kagad ako sa sala upang kamustahin sana ang araw mo, pero walang nanonood ng tv sa sala. Walang nag luluto sa kusina. Walang nagbabasa ng libro sa lamesa.

At pag pasok ko sa kwarto, makikita kong isa na nga lang pala ang unan ko. Wala na akong katabi sa kama kong pang dalawahan. Wala na akong kaagaw sa kumot at unan.

Wala ka.

Wala ka na.

Wala ka na pala.

Kung ako ang iyong papipiliin, mas gugustuhin ko pa ang maubusan ng puwang sa kama dahil sa likot mong matulog. Mas pipiliin ko parin ang pagiging masungit mo sa umaga kapag kinakausap ka ng wala pang kape.

Ayos lang maubusan ng load o malate ng ilang minuto matawagan ka lang pag dating ko sa opisina.

Hindi ko ikakagalit kung sa aking pag uwi ay wala pang hapunan dahil abala ka sa iyong panonood ng telebisyon, magbasa ng iyong mga libro or umidlip sa ating kwarto.

Paulit ulit kong ibibigay sayo ang kumot at unan ko sa gabi, kahit mahihirapan akong matulog.

Pipiliin ko ang lahat ng iyan bumalik ka lamang sa aking tabi.

Paulit ulit kitang pipiliin.

Paulit ulit kitang mamahalin. Bumalik ka lang sana.

Mahal, kailan mo ba balak umuwi?

Leave a comment