March 12, 2019

Posible pala.
Na isang araw hindi ka na maalala.
Kung dati’y araw araw ka nalang nasasaktan.
Sa ideyang meron “tayo” kahit wala.
Nagising ka nalang saglit.
Na wala ng sakit.
Na wala ng hapdi.
Na hindi ka na aasa.
At alam mo sa sarili mong maayos ka na.
Handa ka na mag mahal muli.

Isang umaga ay gumising akong masaya. Magaan. Malaya.

Hindi na pangalan mo ang una kong hinahanap sa pag bukas ko ng aking cellphone. Hindi na ikaw ang una kong naiisip pag mulat sa umaga.

Ang mga lugar ay nanatiling mga lugar nalamang. Hindi na kita nakikita sa mga kainan kung saan tayo madalas mag kita. Ang mall ay naging pasyalan nalang.

Wala nang naaalala sa tuwing nag kakape ako sa umaga at sa gabi. Ang mga kwento mo ay nanatili nalang nakaimbak sa utak ko at hindi na binabalikan tulad ng dati.

Hindi na ako nasasaktan sa mga kanta na nag kukuwento ng paglisan, pagkabigo, at pagluha.

Umiyak ako buong gabi. Hindi sa lungkot. Hindi sa pagkasawi.

Umiyak ako dahil sa wakas tanggap ko na. Tanggap ko na may mga taong hindi ka kayang mahalin pabalik. Na may mga taong kaya kang pahalagahan ngunit hindi ka kayang mahalin.

Papahalagahan ka lamang na para bang isang bagay. Itatabi sa isang sulok kapag masaya at ilalabas sa kahon para ipaalalang mahalaga s’ya.

Tanggap mong walang pagmamahal na mabubuo sa mga bagay na pinilit lamang.

Umiyak ako hanggang sa tuluyang makatulog ako.

At sa aking pag gising, iba na ang lahat. Iba na ang tingin ko sa liwanag na nagmumula sa bintana ng aking kwarto.

Iba na ang huni ng mga ibon. Iba na ang lasa ng kape ko.

Iba na ang mga ngiti ko.

Iba na ang puso ko.

Mahal, ganito pala kagaan ang sinasabi nilang paglaya?

Leave a comment