March 13, 2019

“Pilit na kinakalimutan,
Ang mga bagay na panandalian,
Pag mulat ng mata ika’y naaalala,
Pag pikit nama’y mukha mo ang nakikita,
Pano ba makakawala?
Hahayaan nalang.
Hanggang sa makita ka.
Makikita pa ba kita?
Kahit isang minuto lang,
Kailangan ko lang ulit sumaya.”

Isa, dalawa, tatlo, apat. Tama. Apat na yosi na ako at may balak pa akong mag sindi ng isa.

Pinapatay ko ba sarili ko? Oo.

Nakailan yosi na ako pero hindi ka padin nadating kung saan ka madalas tumatambay. Nakailang bote na ako pero wala paring ikaw na dumadating.

Niloloko ko lang talaga ang sarili ko, dahil alam ko naman na hindi ka dadating kahit sabihin kong nandito ako. Hindi ka pupunta kahit sabihin ko pa na lasing na ako.

Wala ka na nga pala. Hindi ka na nga pala pupunta dito. Pero heto ako at nagsisindi muli ng isa pang yosi.

“Hindi. Isang oras pa. Pag di pa sya dumating aalis na ako.” Ilang beses ko ‘yan inulit. Hanggang sabihan na ako ng waitress na magsasara na sila.

Madaming nag tangka na kausapin ako sa aking paghihintay. Sino ba naman kasing siraulo na iinom mag-isa. Akala siguro nila naghahanap ako ng jowa. Naghahanap? Oo. Ikaw, hinahanap kita. Pero hindi kita jowa. Walang ako at ikaw. Walang tayo.

Pero mahal ko.

Nakailang alok na sila ng tissue sakin, dahil nakikita nila ang aking pagluha habang naghithit ng yosi. Nakatingin sa malayo. Pinapaniwala ang sarili na dadating ka. Binubulong sa aking sarili na dadating ka, dahil mahalaga ako sayo.

Hindi ka nga dumating.

Ubos na ang kaha ng yosi. Ubos na ang isang bucket ng pilsen. Walang ikaw. Walang tayo.

Pero…

Mahal, bakit hindi ko parin magawang umalis?

Leave a comment